Wala nang buhay ng matagpuan ang isang 14-anyos na dalagita noong Marso 1, 2025, isang araw matapos siyang iulat na nawawala ng kanyang ama.

Kinilala ang biktima na si Ashley, na huling nakita noong Pebrero 28, bandang alas-3 ng hapon, habang palabas ng Panabo National High School.

Sa pamamagitan ng mga saksi, natunton ng mga awtoridad ang pangunahing suspek at ang lokasyon kung saan dinala ang biktima.

Natuklasan ng mga pulis ang labi ni Ashley na nakalibing sa isang lupaing pagmamay-ari ni Mark Paltinca Bernabe, 40-anyos, na stepfather din ng biktima.

Kalaunan ay umamin si Bernabe sa pagpatay at paglilibing sa dalagita.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek habang patuloy ang imbestigasyon, kabilang ang anggulo ng posibleng panggagahasa.

Samantala, nagpaabot ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan ng Panabo sa pamilya ng biktima.

Batay sa ulat, wala ang ina ng biktima sa bansa nang mangyari ang insidente dahil nagtatrabaho ito bilang Overseas Filipino Worker (OFW).