Arestado ang isang payong-payong driver matapos maisilbi ng mga awtoridad ang nakabinbing warrant of arrest laban sa kanya kaugnay sa bentahan ng iligal na droga.
Kinilala ang suspek na si Frah Angkal Panawakan, alyas “Bapa Tanie,” 45-anyos, na nahuli sa bahagi ng Sinsuat Avenue, Mother Barangay Rosary Heights, Cotabato City.
Ayon kay Police Major Teofisto “Jun” Ferrer, Jr., hepe ng Cotabato City Police Station 2, ang warrant of arrest ay inilabas ni Presiding Judge Gerardo Caalaman Braganza ng Regional Trial Court, 11th Judicial Region sa Koronadal City, South Cotabato noong Pebrero 2, 2022.
Batay sa kautusan ng korte, walang inilaang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Sa kasalukuyan, nakakulong si Panawakan sa Police Station 2 at nakatakdang iharap sa korte para sa karampatang legal na proseso.