Iniutos ngayon ng Police Regional Office 9 ang malalimang imbestigasyon pahinggil sa nangyaring pagsabog nitong araw lunes pasado alas 5 ng hapon sa Brgy Cabatangan, Zamboanga City.
Nabatid na una ngang nagpalabas ng abiso ang PRO 9 na magsasagawa ng detonation ng mga nakumpiskang firecrackers at pyrotechnics ang Philippine National Police Explosive Ordnance Disposal Team.
Umabot 30 mga indibidwal ang nasugatan sa pumalpak na disposal process na nagresulta sa malakas na pagsabog kung saan 19 dito ay mga uniform personnel at 11 ang mga sibilyan.
Kabilang sa mga nasugatan ang 6 na myembro ng PNP Regional Explosives and Canine Unit, 3 myembro ng Philippine Coast Guard, 5 tauhan ng Bureau of Fire Protection at 5 tauhan ng Philippine Marines.
Base sa pinakahuling ulat ng CDRRMO na dalawang pasyente ang nasa malubhang kalagayan.
Maliban dyan, nakapagtala rin ng danyos sa 4 na government vehicle, kabahayan at bagkabasag ng salamin ng ilang pribadong establishment.
Ayon sa ulat, binasa umano ang mga paputok bago ito pinasabog ngunit sa hindi inaasahan ay nagdulot pa rin ito ng malawakang damage.
Kung maalala, ang mga nasabing mga paputok ay ang mga naiwang firecrackers na hindi sumabog sa nangyaring sunog nitong June 29 sa Brgy Tetuan na ikinasawi nga ng limang katao.