Nadagdagan pa ang bilang ng mga isinukong loose firearms sa mga kasundaluhan matapos ang panibagong pagsuko ng siyam na armas sa bayan ng Pandag, Maguindanao del Sur.

Ayon kay Lt. Col. Felmax Lodriguito Jr., pinuno ng 2nd Mechanized Battalion, ang pagsuko ng mga naturang armas ay resulta ng mas pinalakas na kampanya laban sa loose firearms.

Sa isang seremonya noong Marso 26, 2025, itinurn-over ang mga isinukong armas kay Col. Ronel R. Manalo, Acting Commander ng 1st Mechanized Brigade. Pinangunahan ito ni Mayor Mohajeran Balayman ng Pandag, kasama ang pitong punong barangay ng bayan.

Kasama sa mga isinurender na armas ang isang M203 Tube, isang Cal .50 Barrett, isang M79 grenade launcher, apat na 12-gauge shotgun, isang Caliber .38, at isang Caliber .357. Bukod dito, isinuko rin ang tatlong 40mm HE grenades, mga magazine, at iba’t ibang uri ng bala.

Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6ID at JTFC, ang kahalagahan ng pagsuko ng mga loose firearms sa pagkamit ng mas ligtas at mapayapang komunidad.

Pinasalamatan din ng militar ang suporta ng lokal na pamahalaan ng Pandag sa kampanyang ito at binigyang-diin ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa pagitan ng militar at mga opisyal ng bayan upang mapanatili ang seguridad sa rehiyon.

Patuloy naman ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan sa pagtanggal ng mga ilegal na armas upang mapanatili ang kapayapaan sa buong lugar.