Napatay ang isang dating opisyal ng barangay matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang mga armadong lalaki sa Barangay Kaya-Kaya, Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur, nitong Huwebes ng hapon, Marso 27, 2025.

Kinilala ang biktima bilang si Ronald Paidumama, 54-anyos, dating barangay chairman ng Barangay Dimaampo sa parehong bayan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, sakay si Paidumama ng kanyang motorsiklo at pauwi na sa kanilang tahanan nang biglang pagbabarilin ng mga salarin sa isang bahagi ng Barangay Kaya-Kaya.

Isinugod siya sa Maguindanao Provincial Hospital sa Shariff Aguak ng mga rumespondeng awtoridad, ngunit idineklara siyang dead on arrival. Samantala, nakatakas naman agad ang mga suspek sakay ng kanilang mga motorsiklo matapos ang pamamaril.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang motibo sa likod ng krimen at ang pagkakakilanlan ng mga responsable sa ambush.