Mahaharap sa kasong robbery with rape ang tatlong lalaki matapos dukutin at gahasain ang isang babae sa bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina alyas Ronron, 25 anyos; Jomar, 32 anyos; at Hamdan, 32 anyos, pawang mga residente ng nasabing bayan.

Batay sa imbestigasyon ng Sultan Kudarat PNP at PRO-BAR, tanghali ng Sabado, Abril 26, dinukot ng mga suspek ang biktima na si alyas Marie at halinhinang ginahasa.

Matapos ang insidente, agad na nagsumbong si alyas Marie sa pulisya kasama ang isang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT).

Agad isinagawa ng mga awtoridad ang operasyon at naaresto ang tatlong suspek. Kasalukuyang nasa kustodiya ng SK PNP ang mga suspek habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanila.