Ligtas na na-rescue ang lahat ng 24 na tripulante, kabilang ang mga Pilipino, matapos lumubog ang Liberian-flagged container vessel na MSC ELSA 3 sa karagatan malapit sa Kochi, India, kahapon ng madaling-araw.

Sa isinagawang search and rescue operations, 21 sa mga sakay ng barko ang nasagip ng Indian Coast Guard (ICG), habang ang nalalabing 3 ay nailigtas naman ng barkong pandigma ng Indian Navy na INS Sujata.

Ang MSC ELSA 3 ay may kargang kabuuang 640 containers, kabilang ang 13 container na may delikadong kemikal at 12 pang may lamang calcium carbide. Ayon sa ulat, may dala rin itong 84.44 metric tons ng diesel at 367.1 metric tons ng furnace oil.

Agad na naglunsad ng Pollution Response Operation ang ICG upang maiwasan ang posibilidad ng oil spill at iba pang pinsala sa kalikasan.

Sa ngayon, wala pang naitatalang oil spill, ngunit patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng mga awtoridad upang tiyaking ligtas ang marine environment, lalo na ang maselang coastal ecosystem ng Kerala