Umabot na sa 39 ang kabuuang kaso ng monkeypox o MPOX sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao mula Mayo 5 hanggang Hunyo 4, 2025. Ito ay ayon sa ulat ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng Ministry of Health–BARMM.

Sa nasabing bilang, may 24 na suspected cases, 7 probable cases, at 8 kumpirmadong kaso. Kahapon Hunyo 4, nadagdag pa ang 7 bagong suspected cases. Lahat ng suspected cases ay kasalukuyang hinihintay ang resulta ng kanilang laboratory tests.

Tatlong laboratory results mula sa Research Institute for Tropical Medicine ang nakumpirmang negatibo kahapon, kaya’t umabot na sa 12 ang kabuuang bilang ng mga negatibong kaso mula Mayo 5 hanggang Hunyo 4.

Narito ang distribusyon ng mga kaso ayon sa lugar: Cotabato City, 18 kaso; Maguindanao del Sur, 12 kaso; Maguindanao del Norte, 9 kaso.

Wala pa ring naitatalang nasawi dahil sa sakit ngayong taon.

Ang monkeypox ay isang nakakahawang sakit ngunit ito ay maiiwasan sa pamamagitan ng tamang kalinisan at pag-iingat.

Inirerekomendang takpan ang bibig kapag umuubo o bumabahing, panatilihing maayos ang bentilasyon, at palagiang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon o alkohol.

Iwasan din ang malapitang kontak sa mga may sintomas ng monkeypox.

Kabilang sa mga sintomas ng sakit ang pagkakaroon ng pantal o sugat sa balat na sinasamahan ng lagnat, pamamaga ng kulani, pananakit ng lalamunan, pananakit ng kalamnan o likod, pananakit ng ulo, at panghihina ng katawan.