Ipinahayag nitong Lunes, Hunyo 9, ng legal team ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte ang kanilang kahandaan sa harap ng umiigting na panawagan na ituloy na ng Senado ang impeachment proceedings laban sa Bise Presidente.

Sa kanilang opisyal na pahayag, sinabi ng kampo ni Duterte na bagama’t hindi sila magbibigay ng komento sa internal na usapin ng Senado, iginiit nilang ang pagpapatuloy sa ika-apat na reklamong impeachment ay lumalabag umano sa Saligang Batas.

Binigyang-diin ng defense team na ang impeachment ay dapat manatiling isang legal at konstitusyonal na mekanismo, hindi ginagamit bilang sandata para sa pansariling interes o pamumulitika laban sa mga kalaban sa puwesto.

Gayunpaman, tiniyak ng kampo ni VP Duterte na handa silang harapin ang mga akusasyon, at kumpiyansa silang mapatutunayang walang sapat na batayan ang mga ito.

Kasabay ng pahayag ng depensa ang tumitinding panawagan mula sa mga unibersidad, civil society organizations, at ilang mambabatas na igalang ng Senado ang proseso ng Konstitusyon at agad na simulan ang paglilitis—kabilang ang mga alegasyon kaugnay ng umano’y ugnayan ni Duterte sa Davao Death Squad.