Nagbabala ang Heart Journal na may mataas na panganib sa kalusugan ang paggamit ng marijuana, kabilang na ang posibilidad ng atake sa puso at stroke.
Sa isang pag-aaral na sumuri sa mahigit 200 milyong katao mula sa iba’t ibang bansa, lumabas na may 29% na mas mataas na tsansa na atakihin sa puso, habang 20% naman ang maaaring ma-stroke sa mga regular na gumagamit ng marijuana.
Ayon kay Prof. Emilie Jouanjis ng University of Toulouse sa France, karamihan sa mga apektado ay mga kabataang walang kasaysayan ng sakit sa puso at hindi rin naninigarilyo. Giit naman ni Dr. Lynn Silver ng University of California, dapat ding ituring na mapanganib ang marijuana tulad ng sigarilyo at ipaalam ito sa publiko.
Karamihan sa mga gumagamit ay naninigarilyo ng marijuana, kaya’t mas mabilis maapektuhan ang katawan.
Sa kabila ng pagsuporta ng Simbahang Katolika sa paggamit nito bilang gamot, iligal pa rin ang recreational use ng marijuana sa bansa.
Batay sa 2019 survey ng Dangerous Drugs Board (DDB), may 1.67 milyong Pilipino na gumagamit ng ilegal na droga, at 57% dito ay marijuana ang gamit. Sa 2022 data, 27% ng mga pasyente sa rehab ang gumagamit ng marijuana.
Sa mga kabataang edad 13–17, 79% ang nagsabing nakagamit sila ng marijuana sa loob ng nakaraang 30 araw, ayon sa isang international survey.
Bagaman wala pang opisyal na bilang ng mga nasawi sa marijuana, may mga pag-aaral nang nag-uugnay nito sa biglaang atake sa puso.
Batay sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022, ipinagbabawal pa rin ang paggamit, pagbenta, at paggawa ng marijuana sa Pilipinas. Maaari itong mauwi sa habangbuhay na pagkakakulong, at multang ₱500,000 hanggang ₱10 milyon.
Pinaalalahanan ng PDEA na kahit ang pagbili ng hemp seed oil o cannabis-based products ay itinuturing na ilegal.
Hinimok ng mga eksperto at health institutions ang publiko, lalo na ang kabataan, na iwasan ang paggamit ng marijuana at palalimin pa ang edukasyon sa mga panganib na dulot nito sa kalusugan.