Naaresto ng mga operatiba ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ang isang high-value target na itinuturing na Top 7 Most Wanted Person sa buong rehiyon, at Top 3 Most Wanted sa lalawigan ng Maguindanao del Sur, sa isang operasyon noong Hunyo 24, 2025, bandang 5:40 ng hapon sa Barangay Poblacion II.

Ang suspek ay may nakabinbing Warrant of Arrest dahil sa kasong murder sa ilalim ng Criminal Case No. SA-1228 na ipinalabas ng Presiding Judge ng RTC Branch 15, 12th Judicial Region noong Disyembre 18, 2024.

Ang matagumpay na operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng Shariff Aguak Municipal Police Station (MPS), Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Maguindanao del Sur PPO, 2nd PMFC ng MDSPPO, Regional Intelligence Division, Regional Intelligence Action Team (RIAT) ng PRO BAR, CIDG RFU BAR at Cotabato CFU, Shariff Saydona Mustapha MPS, PIDMU ng MDSPPO, at RIU15.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa kustodiya ng Shariff Aguak MPS matapos ihain sa kanya ang warrant. Ayon sa pulisya, naipaliwanag sa kanya ang kaniyang mga karapatang pantao gamit ang wikang nauunawaan niya.

Pinuri naman ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO-BAR, ang koordinasyon at dedikasyon ng mga yunit na lumahok sa operasyon.