Arestado ang isang kilalang miyembro umano ng ISIS-inspired terrorist group sa ikinasang joint intelligence operation ng mga otoridad noong Hunyo 24 sa Barangay Kaya-Kaya, Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur.

Kinilala ang suspek bilang si alyas Abu Usama, na ginagamit din umano ang mga pangalang Junard Darino, Jayrol Darino, at Usman Abdullah. Ayon sa intelligence reports, kabilang si Usama sa mga orihinal na miyembro ng Dawlah Islamiyah-Socksargen Khatiba Maguid Group, isang teroristang grupong naiulat na konektado sa ISIS at aktibo sa mga lalawigan ng South Cotabato, Sarangani, at Sultan Kudarat.

Ikinasa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng CIDG-Maguindanao, PNP SAF Rapid Deployment Battalion, Datu Abdullah Sangki Municipal Police Station, Shariff Saydona Mustapha MPS, at iba pang mga yunit ng pulisya.

Matapos masawi ang dating lider ng grupo, iniulat na sumanib si Abu Usama sa Dawlah Islamiyah-Hassan Group, na patuloy sa mga subersibo at mararahas na aktibidad sa rehiyon. Bukod dito, konektado rin umano si Usama sa sindikatong Abdul Halim Sansawi Carnapping Group, na sangkot sa pamumuhunan ng pondo para sa terorismo mula sa mga nakukuhang sasakyan sa pamamagitan ng carnapping sa Region 12 at Maguindanao del Sur.

Nahaharap si Abu Usama sa patong-patong na mga kaso kabilang ang:

Tatlong bilang ng Murder – walang piyansa

Illegal Possession of Explosives – walang piyansa

Illegal Possession of Firearms – may piyansang ₱100,000

Carnapping with Violence or Intimidation – walang piyansa

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng CIDG-Maguindanao Provincial Field Unit ang suspek para sa karampatang disposisyon at paghaharap sa mga kasong isinampa laban sa kanya sa mga hukuman na nagpalabas ng warrant of arrest.