Isinulat ang kasaysayan ng isang Katutubong Teduray mula Cotabato City matapos tanghaling Class Valedictorian at isa sa iilang Summa Cum Laude ng University of Southern Mindanao (USM) ngayong taong 2025.

Kinilala si Manuel Lisondra, isang miyembro ng Non-Moro Indigenous Peoples (NMIP), matapos makapagtapos ng kursong Bachelor of Science in Applied Mathematics na may natatanging Grade Point Average (GPA) na 1.184. Siya lamang ang ikaapat sa buong kasaysayan ng USM na nagtapos bilang Summa Cum Laude.

Isang inspirasyon hindi lamang sa kanyang tribong Teduray kundi sa buong rehiyon, ibinahagi ni Lisondra na ang edukasyon ay isa sa mga pinakamahalagang pabaon ng kanilang mga magulang sa kanilang mga anak.

Ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa tibay ng loob at kasipagan ng mga katutubo sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. Higit pa rito, nagsisilbi itong inspirasyon sa kabataang Pilipino—anuman ang kanilang pinagmulan, kayang abutin ang mga pangarap sa pamamagitan ng edukasyon.