Itinama ng PHIVOLCS ang naunang ulat kaugnay sa malakas na lindol na yumanig sa bahagi ng Davao Occidental kaninang umaga, Hunyo 28.
Sa paunang tala, iniulat na umabot sa Magnitude 6.9 ang lindol na tumama sa karagatan sa silangang bahagi ng Island of Sarangani, subalit kalauna’y binaba ito sa Magnitude 6.1 matapos ang masusing pagsusuri ng datos.
Naitala ang pagyanig bandang alas-7:07 ng umaga, may lalim na 79 kilometro, at tectonic ang pinagmulan.
Ayon sa PHIVOLCS, wala namang banta ng tsunami, subalit inaasahan ang mga aftershocks. Naitala rin ang Intensity V sa mga bayan ng Glan at Malungon sa Sarangani Province, habang Intensity IV hanggang II naman sa ilang bahagi ng SOCCSKSARGEN at Davao Region.
Wala ring napaulat na matinding pinsala o nasugatan, ayon sa mga lokal na disaster offices.
Paalala ng mga otoridad, manatiling kalmado at laging maging alerto sa mga posibleng aftershocks.