Isang haligi ng Philippine showbiz industry ang tuluyan nang namaalam. Pumanaw na si Veteran Entertainment Columnist at Talent Manager na si Lolit Solis nitong Hulyo 3, 2025, sa edad na 78.
Kinumpirma ng kanyang anak na si Angel Liza “Sneezy” Pasamonte ang kanyang pagpanaw sa isang pribadong ospital. Ayon sa ulat, atake sa puso ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Si Manay Lolit ay matagal nang lumalaban sa mga komplikasyon sa kalusugan, kabilang na ang kanyang matinding kondisyon sa kidney kung saan sumasailalim siya sa regular na dialysis dalawang beses kada linggo.
Nitong mga nakaraang buwan, naging lantad siya sa kanyang estado sa social media, kung saan isinusulat niya ang kanyang nararamdaman bilang isang pasyente — mula sa homesickness, trauma sa ospital, at pagkapagod hindi lamang sa katawan kundi pati na rin sa isip.
Bagamat humina ang kanyang katawan, nanatiling matapang at matapat si Lolit sa kanyang pagsusulat. Sa isa sa kanyang mga huling Instagram post, nagpasalamat siya sa mga doktor at medical staff na patuloy siyang inaalagaan.
Sa kanyang pagpanaw, naiwan ni Lolit Solis ang isang makulay at hindi matatawarang kontribusyon sa mundo ng showbiz—isang pamana ng katapangan sa panulat at pagiging totoo sa sarili.
Rest in peace, Lolit Solis.