Ininspeksyon kahapon ng mga miyembro ng 18th Sangguniang Panlungsod ng Cotabato City ang Cotabato City Public Terminal na matatagpuan sa Barangay Mother Tamontaka.
Layon ng pagbisita na pagplanuhan kung paano magiging maayos ang pamamalakad sa bagong terminal, upang matiyak na lahat ay mabibigyan ng pantay na oportunidad — mula sa paggamit ng pasilidad hanggang sa pagkakaroon ng kabuhayan sa loob nito.
Kasabay nito, tiniyak ng mga konsehal na magkakaroon ng malinaw na tungkulin ang iba’t ibang ahensya ng lokal na pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan, kalinisan, at seguridad sa nasabing pasilidad.
Bagama’t hindi pa pormal na binubuksan ang terminal, may mga nagpapakita na ng interes na magnegosyo rito, kabilang na ang mga operator ng Public Utility Vehicles (PUVs) na nagnanais makapagbiyahe papasok at palabas ng terminal.
Dahil dito, nakatakdang makipag-ugnayan ang City Government sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang ayusin ang mga rutang mag-uugnay sa terminal patungo sa mga karatig-lungsod at probinsya.
Naniniwala ang mga opisyal ng lungsod na malaki ang maitutulong ng Cotabato City Public Terminal sa pagpapalago ng lokal na ekonomiya, kaya’t puspusan ang paghahanda para sa inaabangang pagbubukas nito.