Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng Cotabato City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa antas ng tubig sa mga pangunahing ilog at tulay sa lungsod kasunod ng masamang panahon.
Layunin nitong matukoy agad ang posibleng banta ng pagbaha at makapagbigay ng maagap na babala sa mga residente sa mga lugar na itinuturing na vulnerable.
Ayon sa CDRRMO, nagsasagawa ang kanilang mga tauhan ng tuloy-tuloy na monitoring at assessment upang masubaybayan ang pagbabago sa lebel ng tubig at masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Bahagi rin ito ng pagpapalakas ng kahandaan ng komunidad laban sa mga posibleng epekto ng malalakas na pag-ulan at pagbaha.
Kabilang sa mga binabantayang lugar ang Tamontaka 4, Tamontaka 5, at Tamontaka Mother. Minomonitor din ang Poblacion 9 Biniruan Bridge, Poblacion Mother Matampay Bridge, Poblacion 1 Delta Bridge, at Kalanganan 2 Bobong Bridge.
Sinabi ng tanggapan na mahalagang masubaybayan ang kondisyon ng mga ilog at tulay upang maiwasan ang panganib sa mga motorista at residente.
Patuloy rin nilang hinihikayat ang publiko na maging alerto sa mga abiso ng lokal na pamahalaan at umiwas sa mga lugar na maaaring bahain.
Samantala, tiniyak ng CDRRMO na magpapatuloy ang kanilang monitoring at disaster risk reduction initiatives upang maprotektahan ang buhay at ari-arian ng mga mamamayan ng Cotabato City.

















