Pinaigting ang kampanya laban sa lumalalang banta ng mobile-based scams matapos isailalim sa mas pinaigting na pagsasanay ng Globe ang ilang pangunahing ahensya ng pamahalaan sa paggamit ng IMSI Catcher Detectors upang matukoy at maharang ang mga iligal na signal na ginagamit sa text scam operations.

‎‎Isinagawa ang technical deep dive session bilang bahagi ng hakbang upang mapalakas ang kakayahan ng mga law enforcement at regulatory agencies sa pagtugon sa text scams at iba pang anyo ng cyber-enabled fraud na patuloy na banta sa publiko.‎‎

Kabilang sa mga lumahok sa pagsasanay ang mga kinatawan mula sa National Telecommunications Commission, Cybercrime Investigation and Coordinating Center, Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group, at National Bureau of Investigation.‎‎

Nakatuon ang pagsasanay sa tamang paggamit ng IMSI Catcher Detectors, mga kagamitang idinisenyo upang matukoy ang pinagmumulan ng rogue signals na kadalasang ginagamit sa pagpapadala ng mapanlinlang na text messages.‎‎

Pinangunahan ang technical session ni Dr. Altaf Shaik, isang eksperto sa cellular at next-generation network security mula sa Technische Universität Berlin, kung saan tinalakay ang mga kahinaan sa mobile networks na karaniwang sinasamantala ng mga scammer at ang mga hakbang upang maagapan ang mga ito.‎‎

Ayon sa Globe, mahalaga ang mabilis na pagtukoy sa mga kahina-hinalang signal upang agad na makapagsagawa ng kaukulang aksyon ang mga kinauukulang awtoridad laban sa mga scam operation.‎‎

Kasunod ito ng naunang turnover ng IMSI Catcher Detectors ng Globe noong Marso bilang bahagi ng mas malawak nitong inisyatiba kontra mobile fraud.‎‎

Binigyang-diin din ng kumpanya ang kahalagahan ng mas pinaigting na koordinasyon at information sharing sa pagitan ng mga ahensya upang mapabilis ang pagtugon sa patuloy na nagbabagong modus ng mga scammer.‎‎

Layunin ng naturang hakbang na higit na maprotektahan ang publiko laban sa text scams at iba pang cyber threats na gumagamit ng mobile networks bilang plataporma ng panlilinlang.‎