Pinalalakas na ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang kanilang seguridad at deployment plans para matiyak ang mapayapa at maayos na kauna-unahang regular parliamentary elections sa Bangsamoro region sa Setyembre 14, 2026.
Ito ay matapos magsagawa ng pagpupulong ang Provincial Joint Peace and Security Coordinating Committee o JPSSCC noong Mayo 11 sa Camp Datu Akilan sa Shariff Aguak upang talakayin ang peace and order situation at security preparations sa lalawigan.
Pinangunahan ang high-level security meeting ni PCol. Michael John C. Mangahis kasama ang mga matataas na opisyal ng militar kabilang sina BGen. Edgar L. Catu, BGen. Ricky P. Bunayog, at Col. Emil Rex C. Santos.
Sa naturang pagpupulong, tinalakay ng mga opisyal ang crime trends, anti-criminality operations, counter-terrorism campaigns, intelligence monitoring, at deployment strategies ng pulisya at militar sa iba’t ibang bahagi ng Bangsamoro region.
Kabilang sa pangunahing ‘focus’ ng talakayan ang pagpigil sa election-related violence at mga posibleng pag-atake ng mga armadong grupo at iba pang destabilizing elements sa panahon ng halalan.
Ayon sa mga awtoridad, magpapatupad sila ng mas pinaigting na troop deployment, checkpoint operations, at koordinasyon sa Commission on Elections at mga local government units upang matiyak ang seguridad ng mga polling centers, kandidato, election workers, at mga botante.
Sa hiwalay namang panayam sa South Upi noong Mayo 14, sinabi ni Mangahis na nagsimula na rin ang assessment at validation process sa mga naghain ng certificates of candidacy para sa parliamentary elections.
Samantala, inanunsyo naman ng tanggapan ni Special Assistant to the President Antonio Lagdameo Jr. na aabot sa halos 9,000 pulis ang ide-deploy sa buong Bangsamoro region para tumulong sa pagbabantay sa seguridad ng halalan.
Ayon naman kay PBGen. Jaysen de Guzman, tutulungan din ang regional police ng mga specialized units gaya ng Special Action Force, Maritime Group, at Highway Patrol Group, kasama ang augmentation forces mula sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
Makikipag-ugnayan din ang PNP sa AFP at Philippine Coast Guard bilang bahagi ng whole-of-government approach upang masiguro ang mapayapa at kapani-paniwalang halalan sa Bangsamoro.
Nauna nang nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mamamayan ng BARMM na aktibong makilahok sa nalalapit na parliamentary elections upang higit pang mapalakas ang demokratikong pamamahala at mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon.
Ang parliamentary elections sa Setyembre 14, 2026 ang magsisilbing kauna-unahang regular parliamentary polls sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law na nagtatag sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao noong 2019.
















