Iginiit ng 6th Infantry “Kampilan” Division at Joint Task Force Central na nananatili silang propesyonal, walang kinikilingan sa pulitika, at tapat sa Konstitusyon habang papalapit ang Bangsamoro Parliamentary Elections.

Sinabi ni Lt. Col. Ronald E. Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, na sa ilalim ng pamumuno ni Major General Jose Vladimir R. Cagara ay nakatuon ang kanilang hanay sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang area of responsibility.

Kasabay nito, hinimok ng militar ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng mapayapang halalan sa pamamagitan ng pag-iwas sa karahasan at agarang pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad sa mga awtoridad.

Binigyang-diin din ni Suscano na nakahanda ang hotline ng kanilang yunit upang mabilis na makatugon sa anumang tensyon o insidenteng maaaring mangyari sa mga komunidad.

Nanawagan naman ang 6th Infantry Division sa lahat ng sektor na magtulungan upang matiyak ang isang mapayapa, ligtas, at maayos na Bangsamoro Parliamentary Elections.