Nagresulta sa mabigat na sitwasyon sa kalsada ang magdamagang pag-ulan at mga sagabal sa lansangan sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.

Sa Cotabato City, lubog sa baha ang Demazenod Avenue matapos ang halos buong umagang pag-ulan. Makikitang hirap ang mga motorista at residente na makadaan habang patuloy na mino-monitor ng mga otoridad ang lagay ng panahon at tubig-baha.

Samantala, sa Sandakan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, bumagsak naman ang isang puno na humarang sa isang lane ng highway. Dahil dito at dagdag pa ang nagpapatuloy na konstruksyon sa kabilang bahagi ng kalsada, naging sanhi ito ng bumper to bumper na trapiko at pagka-stranded ng mga motorista.

As of 12:00 ng tanghali ngayong Lunes, nanatiling nasa normal o mababang antas ang lahat ng water level gauges na nakalagay sa mga strategic areas ng Cotabato City, batay sa monitoring ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).

Nagpapatuloy ang mahigpit na pagbabantay upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente. Hinimok din ng CDRRMO ang publiko na manatiling nakahanda at makinig sa mga susunod na abiso.