Lumikas ang tinatayang 40 residente ng Barangay Tugal, Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur matapos ang magkahiwalay na insidente ng palitan ng putok kahapon, Agosto 5.
Ayon kay Lt. Col. Ronald E. Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry “Kampilan” Division at Joint Task Force Central, unang naganap ang insidente bandang alas-7:05 ng umaga nang pagbabarilin umano si Commander Aliman, isang Battalion Commander ng Moro Islamic Liberation Front o MILF, ng armadong grupo na pinaniniwalaang kabilang sa 106th Base Command.
Tumagal ng humigit-kumulang 15 minuto ang palitan ng putok na nagdulot ng paglikas ng nasa 40 residente. Wala namang naitalang nasawi o nasugatan sa insidente.
Samantala, bandang ala-1:15 ng hapon, habang nagsasagawa ng area security operation ang mga tropa ng 2nd Mechanized Battalion patungong Barangay Tugal, pinaputukan naman sila ng hindi pa nakikilalang armadong grupo na nagmula rin sa naturang barangay.
Umabot sa halos 25 minuto ang ikalawang palitan ng putok at wala ring naitalang nasawi o nasugatan.
Patuloy namang iniimbestigahan ng Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities o CCCH ang dalawang insidente upang matukoy ang sanhi at kung may kaugnayan ang mga ito sa isa’t isa.

















