Umani ng mga tanong ang paglulunsad ng Bangsamoro Card sa ilalim ng Financial Assistance System Transformation (FAST) Project ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) matapos GCash lamang ang ipakilalang digital payment partner sa rollout ng programa, sa kabila ng presensya ng iba pang electronic money issuers, digital banks, at financial service providers na nag-ooperate sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).‎‎

Noong Huwebes, July 30, opisyal na inilunsad ng MSSD ang Bangsamoro Card sa Maguindanao del Norte at Special Geographic Area (SGA) bilang bahagi ng digitalization ng pamamahagi ng social protection benefits. ‎‎

Layunin ng programa na gawing mas mabilis, mas ligtas, mas transparent, at mas episyente ang pamamahagi ng ayuda sa pamamagitan ng cashless transactions.

‎‎Isinasagawa ito sa pakikipagtulungan sa GCash, Australian Government, at UNICEF Philippines. ‎‎

Gayunman, bagama’t malinaw ang layunin ng proyekto, wala pang pampublikong paliwanag ang MSSD kung bakit GCash ang napiling pangunahing digital payment partner sa rollout ng Bangsamoro Card.‎‎

Lalong umigting ang mga katanungan dahil sa mga naunang dokumento ng FAST Project na nagsasabing makikipagtulungan ang programa sa maraming financial service providers upang isulong ang financial inclusion sa BARMM. ‎‎

Kabilang sa mga naunang binanggit na institusyon ang Amanah Islamic Bank, Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, RCBC, Maya, Palawan Pawnshop, Cebuana Lhuillier, M Lhuillier, USSC, at GCash.‎‎

Dahil dito, napapatanong ang mga “observers” kung ang kasalukuyang partnership ba ay eksklusibo lamang sa GCash, o ito ay unang yugto pa lamang ng implementasyon at isasama rin sa mga susunod na rollout ang iba pang accredited financial institutions at digital payment platforms.‎‎

May mga panawagan din para sa higit na paglilinaw kung dumaan ba sa competitive procurement o evaluation process ang pagpili sa GCash, kung inimbitahan bang magsumite ng mga proposal ang iba pang payment providers, at kung anu-anong pamantayan ang ginamit sa pagpili ng magiging partner ng programa.

‎‎Isa rin sa mga usaping binabanggit ay ang pagpili ng benepisyaryo.

Bagama’t malawak ang network ng GCash, marami ring residente ng BARMM ang gumagamit ng Maya, GoTyme, mga bangko, at iba pang remittance providers.

‎‎Ayon sa ilang sektor, mas mapapalawak ang accessibility at flexibility ng programa kung magkakaroon ng maraming accredited payment channels, lalo na sa mga geographically isolated communities.‎‎

Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag ang MSSD kung bakit GCash ang napili bilang unang digital payment partner o kung kailan isasama ang iba pang financial service providers sa Bangsamoro Card system.‎‎

Samantala, iginiit ng ministeryo na layunin ng programa na palakasin ang financial inclusion, mabawasan ang manual cash handling, mapahusay ang transparency at audit trail, at mapabilis ang paghahatid ng tulong pinansyal sa mga benepisyaryo sa buong BARMM.