Ligtas na nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 62 katao sakay ng Motor Launch (M/L) TRISHA MAE matapos itong magkaaberya sa makina habang bumibiyahe mula Bongao patungong Mapun, Tawi-Tawi noong July 27.
Batay sa ulat, kabilang sa mga nasagip ang 52 pasahero at 10 tripulante ng naturang sasakyang pandagat.
Agad na nagsagawa ng search and rescue operation ang Coast Guard Station Central Tawi-Tawi, katuwang ang Coast Guard Sub-Station Bongao, SOG-CTT, at MEPU, matapos makatanggap ng ulat hinggil sa insidente.
Natunton ng rescue team ang M/L TRISHA MAE at ligtas itong nahila pabalik sa Port of Bongao. Lahat ng sakay ng bangka ay naibalik sa pantalan na nasa maayos na kalagayan, at wala namang naitalang nasawi o nasugatan.
Ayon sa Philippine Coast Guard, muling ipinakita ng matagumpay na operasyon ang kahandaan ng kanilang mga tauhan sa pagtugon sa mga emergency sa karagatan.
Kasabay nito, muling pinaalalahanan ng PCG ang mga operator ng sasakyang pandagat at mga pasahero na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang mga sasakyang pandagat bago bumiyahe upang maiwasan ang kaparehong insidente.

















