Isinagawa ng Bangsamoro Transition Authority o BTA ang pampublikong pagdinig kahapon, Hulyo 15, sa Alnor Convention, Cotabato City para talakayin ang dalawang panukalang batas ukol sa transitional justice sa BARMM.

Pinangunahan ito ng Committee on Justice sa pamumuno ni MP Atty. Suharto Ambolodto. Layunin ng hearing na makuha ang opinyon ng publiko tungkol sa Private Member Bill No. 25 at Parliament Bill No. 353—parehong naglalayong itaguyod ang katotohanan, hustisya, at rekonsilasyon sa rehiyon.

Kabilang sa mga kalahok ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, Bangsamoro Human Rights Commission, MNLF women’s group, at iba pang civil society organizations. Tinalakay rin ang isyu ng land dispossession, ancestral domain, at karapatang pantao.

Ayon kay MP Ambolodto, ang panukalang komisyon ay magkakaroon ng kapangyarihang magsagawa ng fact-finding at truth-telling processes para sa kapayapaan.

Kaugnay nito, isinagawa rin ang hiwalay na public hearings sa Maguindanao del Sur at Special Geographic Areas.