Nanawagan si Police Colonel Jibin M. Bongcayao, City Director ng Cotabato City Police Office o CCPO, sa mga residente ng Cotabato City na makipagtulungan at sumunod sa mga aktibidad ng Commission on Elections bilang bahagi ng paghahanda para sa mapayapa at maayos na halalan.

Ayon kay Bongcayao, kailangang maging mapagpasensya at mahinahon ang mga Cotabateneño sa mga isinasagawang checkpoint operations, mga security inspection, peace walk, peace rally at iba pang aktibidad na may kaugnayan sa halalan.

Kabilang din dito ang mga campaign rally at house-to-house campaign ng mga kandidato na bahagi ng proseso ng demokratikong halalan.

Binigyang-diin ni Bongcayao na may kaakibat na sakripisyo ang pagkakaroon ng mapayapa at maayos na halalan, kaya hinikayat niya ang publiko na makiisa at hayaan ang electoral process na maisagawa nang maayos.

Nanawagan din siya sa mga residente na “trust the process” at patuloy na sumunod sa mga alituntunin at regulasyong ipinatutupad ng mga awtoridad.

Sinabi ni Bongcayao na ang security sector, kabilang ang kapulisan at iba pang katuwang sa halalan, ay nakatuon sa pagpapatupad ng mga election rules and regulations upang matiyak ang maayos, mapayapa at credible na halalan sa Cotabato City.