Naglabas ng mensahe si BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua kaugnay ng pagdiriwang ng Eid’l Adha ngayong 1447 AH o taong 2026.‎‎Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Chief Minister na ang Eid’l Adha ay hindi lamang paggunita sa pananampalataya kundi paalala rin ng sakripisyo, pagsunod, at lubos na pagtitiwala kay Allah.‎‎

Ayon kay Macacua, nagsisilbing inspirasyon ang kuwento ni Propeta Ibrahim sa pagpapakita ng tunay na diwa ng pagsasakripisyo para sa mas mataas na layunin, lalo na sa gitna ng hirap at pagsubok.‎‎

Binigyang-diin din nito na ang Bangsamoro ay nabuo mula sa mahabang panahon ng pakikibaka, sakripisyo, at pagtitiis ng mga mujahideen, lider, pamilya, at mamamayang Bangsamoro upang makamit ang kapayapaan at awtonomiya sa rehiyon.

‎‎Nanawagan rin ang opisyal ng pagkakaisa, disiplina, at mabuting pamamahala upang patuloy na mapalakas ang pundasyon ng kapayapaan, hustisya, at kaunlaran sa Bangsamoro Region.‎‎

Hinimok din nito ang publiko na suportahan ang mga hakbang na naglalayong mapanatili ang kapayapaan, tapat na pamamahala, at pananagutan para sa kapakanan ng bawat Bangsamoro at Pilipino.

‎‎Sa huli, nagpahatid si Macacua ng pagbati ng “Eid’l Adha Mubarak” sa buong sambayanang Bangsamoro at sa mga Muslim sa bansa at iba’t ibang bahagi ng mundo.‎