Binigyang-diin ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua na ang mga tagumpay na nakamit ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay hindi maituturing na tagumpay ng iisang tao lamang kundi bunga ng sama-samang pagsisikap ng mamamayan at iba’t ibang sektor sa rehiyon.
Sa isang mensahe na ibinahagi sa social media, sinabi ni Macacua na mahalagang kilalanin ang ambag ng bawat pamilya, lider, at mamamayan sa pagpapatuloy ng mga programa at inisyatiba para sa kaunlaran ng Bangsamoro.
Ayon sa Chief Minister, nakasalalay sa pagkakaisa, pagtutulungan, at tapat na paglilingkod ang patuloy na pag-unlad ng rehiyon.
Dagdag pa niya, mas maraming layunin ang maaaring makamit kung maisasantabi ang pansariling interes at uunahin ang kapakanan ng mas nakararami.
Samantala, muling hinikayat ni Macacua ang mamamayan na magkaisa sa pagsusulong ng mga adhikain para sa isang mas matatag at maunlad na Bangsamoro.
Ang pahayag ay inilabas sa gitna ng patuloy na mga usapin kaugnay ng pamamahala at mga hamon na kinakaharap ng Bangsamoro Government.

















