Iginiit ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua na ang kanyang desisyon na tumakbo bilang independent candidate sa nalalapit na Bangsamoro parliamentary elections ay nakatuon sa layuning makapagsilbi sa lahat ng mamamayan ng Bangsamoro nang patas at walang kinikilingan.

Ito ang kanyang tugon matapos kumpirmahin ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang indefinite suspension sa kanya bilang Chief of Staff ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF), batay sa resolusyong inilabas ng MILF Central Committee.

Sa isang pahayag, sinabi ni Macacua na kabilang sa mga isyung tinalakay sa resolusyon ang kanyang pagtakbo bilang independent candidate sa halip na sa ilalim ng isang partidong pampulitika.

Ayon sa kanya, sinadya niyang hindi umanib sa anumang political party habang nanunungkulan bilang Chief Minister upang mapanatili ang pagiging neutral sa pakikitungo sa iba’t ibang sektor sa Bangsamoro.

Giit pa niya, mahalaga ang naturang hakbang upang maiwasan ang anumang pagkiling sa pulitika at mapanatili ang patas na pamamahala habang hindi pa pormal na nagsisimula ang kampanya.

Ipinunto rin ni Macacua na ang ganitong estilo ng pamumuno ay nakatulong umano sa pagpapalawak ng ugnayan ng Bangsamoro Government sa iba’t ibang local government units at political stakeholders sa rehiyon.

Samantala, nilinaw din ng Chief Minister ang usapin hinggil sa Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) at sinabing wala siyang natanggap na naturang dokumento.

Kaugnay ng kanyang suspensyon bilang BIAF Chief of Staff, sinabi ni Macacua na iginagalang niya ang pasya ng MILF Central Committee.

Aminado rin siya na mababawasan ang kanyang mga responsibilidad, dahil mahirap umanong pagsabayin ang tungkulin bilang Chief Minister at bilang Chief of Staff ng isang military organization.

Nanawagan din si Macacua sa kanyang mga tagasuporta na manatiling kalmado at iwasan ang anumang hakbang na maaaring magpalala ng sitwasyon o magdulot ng karagdagang pagkakahati-hati sa loob ng Bangsamoro.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangan ng pagpapanatili ng pagkakaisa at pagpapatuloy ng mga reporma sa pamahalaan, kabilang ang kampanya laban sa katiwalian, nepotismo, at mga proyektong hindi naipatutupad.

Noong Hunyo 3, inaprubahan ng MILF Central Committee ang Resolution No. 01, s. 2026 na naglalaman ng indefinite suspension kay Macacua bilang BIAF Chief of Staff at nag-aatas sa lahat ng kaukulang istruktura at kaakibat na yunit na ipatupad ang naturang pasya.