Pinalalakas ng Cotabato City Peace and Order Council o CPOC ang seguridad sa lungsod kasunod ng mga insidenteng naitala kaugnay ng Bangsamoro Parliamentary Elections noong Setyembre 14.
Ayon sa Cotabato City Police Office, tatlo ang nasawi at 19 ang nasugatan sa mga insidenteng may kaugnayan sa election period.
Sa Special CPOC Meeting, inaprubahan ang clearing operations at paghiling ng karagdagang police at military personnel upang suportahan ang peace and security operations sa lungsod.
Inatasan din ang mga awtoridad na imbestigahan ang mga insidente at magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga mapatutunayang sangkot, anuman ang kanilang political affiliation.
Nanawagan naman si Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao ng pagtutulungan at pagkakaisa upang maibalik ang kaayusan at maiwasan ang pag-uulit ng mga insidente ng karahasan sa lungsod.











