Arestado ang dalawang indibidwal matapos masabat ng mga awtoridad ang tinatayang P205,363.20 halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo sa isinagawang random checkpoint operation sa Barangay Calumpang, General Santos City, madaling araw ng Agosto 8, 2026.
Bandang 1:20 ng madaling araw nang magsagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng 1201st Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 12, katuwang ang mga personnel ng Police Station 10 ng General Santos City Police Office (GSCPO).
Hinarang ng mga pulis ang isang traysikel na sakay ang dalawang lalaki na kinilalang sina alyas “Basal,” 25-anyos, at alyas “Leo,” 26-anyos, kapwa residente ng Barangay Labangal, General Santos City.
Gayunman, sa halip na huminto, umano’y bumilis ang takbo ng traysikel, dahilan upang habulin ito ng mga awtoridad hanggang sa tuluyang maaresto ang dalawang sakay.
Sa isinagawang inspeksyon, natuklasan ang tatlong kahon na naglalaman ng humigit-kumulang 240 ream ng Gudang Baru cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng P205,363.20.
Hindi rin umano nakapagpakita ang driver ng kinakailangang Bureau of Customs importation documents, clearances, at patunay ng pagbabayad ng customs duties at taxes para sa mga nasabat na sigarilyo.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Police Station 10, GSCPO ang dalawang suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila dahil sa paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code, Republic Act No. 10683, at iba pang umiiral na batas.
Samantala, binigyang-diin ni PBGen Alan B. Manibog, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang kahalagahan ng patuloy na checkpoint operations upang mapigilan ang pagpasok at pagbiyahe ng mga kontrabando sa rehiyon.
Ayon kay Manibog, mahalaga ang mga checkpoint bilang unang harang laban sa mga kontrabando at tiniyak niyang patuloy na paiigtingin ng pulisya ang pagbabantay upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa mga komunidad.

















