Arestado ang dalawang indibidwal matapos makumpiskahan ng mahigit P1.3 milyong halaga ng mga pinaghihinalaang smuggled cigarettes sa isinagawang checkpoint operation ng mga awtoridad sa Barangay Dulangan, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong alas-7:00 ng umaga ngayong Hunyo 1.
Kinilala ng pulisya ang mga nahuli na sina Mohamad, 18-anyos, driver at residente ng Barangay Madia, Datu Salibo, Maguindanao del Sur, at si Omra, 26-anyos, isang construction worker at residente rin ng nasabing lugar.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng pinaigting na checkpoint operation ang pinagsanib na puwersa ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station (DOS MPS), Regional Mobile Force Battalion 14A (RMFB 14A), at 1st Provincial Mobile Force Company ng Maguindanao del Norte Police Provincial Office (MDNPPO) bilang bahagi ng kampanya laban sa transportasyon ng mga pinaghihinalaang smuggled goods.
Naharang ng mga operatiba ang isang puting Nissan Vanette na may plakang MAR 1949 na minamaneho ni Guiapal habang sakay naman bilang pasahero si Adam.
Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ng mga awtoridad ang mga pinaghihinalaang smuggled cigarettes na nakatago sa ilalim ng mga bakanteng bote ng softdrinks sa cargo area ng sasakyan.
Narekober mula sa van ang tatlumpu’t dalawang (32) master cases at dalawampu’t isang (21) reams ng New Berlin Cigarettes na katumbas ng kabuuang 1,621 reams. Tinatayang nasa P1,387,057.28 ang halaga ng mga ito batay sa floor price ng Bureau of Internal Revenue o BIR.
Agad na inaresto ang dalawang sakay ng sasakyan at dinala kasama ang mga nakumpiskang ebidensya sa Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Nakipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa Bureau of Customs Sub-Port Parang para sa karampatang aksyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya.

















