Nasawi ang driver ng isang payong-payong tricycle matapos itong mabangga ng isang Nissan Navara sa Sitio Gubat, Barangay Kurintem, dakong alas-4:00 ng madaling araw nitong Hunyo 30, 2026.
Sa paunang imbestigasyon, bumiyahe umano ang Nissan Navara mula General Santos City patungong Zamboanga City nang maganap ang insidente. Hindi pa nakikilala ng mga awtoridad ang biktima, na gumagamit ng Honda Wave na walang plaka.
Nasa kustodiya na ng Philippine National Police (PNP) ang driver ng Nissan Navara habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng aksidente.
Ito na ang ikalawang payong-payong driver na nasawi sa Datu Odin Sinsuat sa mga nakalipas na araw. Kamakailan lamang, isa ring driver ang namatay matapos makabanggaan ang isang elf truck sa Barangay Bitu.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang lahat ng motorista na mag-ingat sa pagmamaneho at mahigpit na sumunod sa mga batas-trapiko upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.

















