Tatlong indibidwal ang naaresto matapos masabat ng mga awtoridad ang tinatayang pitong gramo ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation at pag-dismantle sa isang drug den sa Barangay Digal, Buluan, Maguindanao del Sur.
Isinagawa ang operasyon bandang alas-4:45 ng hapon ngayong araw ng Martes, Agosto 4, 2026, na pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Maguindanao del Sur Provincial Office, katuwang ang iba pang operating at support units mula sa PNP at Philippine Army.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas Joh, 32-anyos, may asawa at magsasaka, si alyas Antoy, 21-anyos, walang trabaho; at si alyas Sat, 28-anyos, magsasaka. Pawang mga residente ng Buluan, Maguindanao del Sur ang tatlo.
Ayon sa paunang ulat, nasa 13 heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad, na may kabuuang tinatayang bigat na pitong gramo.
Sa nasabing halaga, isang sachet na tinatayang 0.05 gramo ang sinasabing naging object of sale sa buy-bust operation, habang ang 12 iba pang sachet na may tinatayang bigat na 6.5 gramo ay nakumpiska umano bilang bahagi ng possession case.
Tinatayang nasa P18,200 ang street value ng kabuuang nakumpiskang hinihinalang shabu, habang nasa P47,600 naman ang standard value nito.
Bukod sa hinihinalang ilegal na droga, nakumpiska rin ang buy-bust money, tatlong strips ng aluminum foil, tatlong lighter, dalawang pares ng gunting, isang improvised tooter, bamboo sealer, wallet pouch, digital weighing scale at isang keypad cellphone.
Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kabilang ang mga probisyon hinggil sa pagbebenta, pagmamay-ari at iba pang kaugnay na paglabag sa ilegal na droga.
Nananatiling nasa kustodiya ng mga awtoridad ang mga naarestong suspek habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon at paghahanda sa pagsasampa ng mga kaso.

















