Isang mahalagang kasunduan ang nilagdaan ngayong araw sa pagitan ng Food and Drug Administration (FDA) at Ministry of Health (MOH) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para sa pagtatatag ng opisyal na tanggapan ng FDA sa rehiyon.

Pinangunahan ni Atty. Paolo Teston ng FDA at ni Minister Dr. Kadil “Jojo” Sinolinding ng MOH-BARMM ang ceremonial signing ng Memorandum of Agreement (MOA), na layong palawigin ang regulatory services ng ahensya sa mismong teritoryo ng Bangsamoro.

Ayon kay Dr. Sinolinding, isang malaking hakbang ito patungo sa mas modernong pamamahala ng rehiyon, kung saan ang lahat ng regulatory functions—mula sa aplikasyon hanggang sa approval ng mga produkto tulad ng pagkain, gamot, cosmetics, at medical devices—ay dito na mismo sa BARMM isasagawa. Hindi na kinakailangang bumiyahe pa sa labas ng rehiyon ang mga lokal na negosyante, distributor, at manufacturer para lamang sa aplikasyon at koordinasyon sa FDA.

Binanggit din ni Sinolinding ang kahalagahan ng Halal certification sa proseso, lalo na’t bahagi ng Halal Board ng Bangsamoro ang Ministry of Health. Aniya, “Napakahalaga ng halal standards lalo na sa pagkain, gamot, at mga gamit-medikal, kaya’t malaking tulong na maiproseso mismo sa loob ng BARMM ang mga ito.”

Ang pagtatatag ng FDA-BARMM ay inaasahang magpapabilis sa serbisyo, magpapalakas sa regulasyon ng mga produkto sa rehiyon, at higit sa lahat, magpapatibay sa tiwala ng mamamayan sa kalidad at kaligtasan ng mga produktong umiikot sa merkado ng Bangsamoro.