Nananawagan ang ilang mambabatas sa Commission on Audit o COA ng isang espesyal na forensic examination sa paggamit at pagpapalabas ng tinatayang P6.4 bilyong Bangsamoro Local Government Support Fund o LGSF.

Nakabatay ang panawagan sa House Resolution No. 2199 at mga natuklasan ng House Committee on Public Accounts na nakapaloob sa Committee Report No. 1502.

Sinimulan ng Kamara ang imbestigasyon matapos magtanong si Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong noong Enero 2025 tungkol sa mga ulat na mahigit 400 barangay ang nakatanggap ng tig-P500,000 hanggang P2.5 milyon mula sa LGSF allocation.

Kinuwestiyon ng mga mambabatas kung nasunod ang mga proseso at alituntunin sa pagpapalabas ng pondo at kung may naging papel ang political affiliation sa mga naturang alokasyon.

Sa mga pagdinig, may ilang lokal na opisyal ding nagsabing nakatanggap sila ng pondo para sa mga proyektong hindi nila hiniling o kalaunan ay ipinahinto.

Gayunman, ayon sa congressional report, hindi pa napatutunayan na political affiliation ang naging batayan sa pagpapalabas ng mga pondong ito.

Layunin ng hinihiling na forensic examination na matukoy kung paano inilabas, ipinamahagi at ginamit ang P6.4 bilyong pondo, kabilang ang pagsuri kung may mga nilabag na batas at regulasyon.

Inirekomenda rin ng House Committee on Public Accounts ang mas malalim na pagsusuri sa mga project proposal, disbursement records at iba pang dokumentong may kaugnayan sa pondo.

Ayon sa dating chairperson ng House Public Accounts Committee na si Representative Stephen Joseph Paduano, may mga umano’y iregularidad sa distribusyon ng pondo at tinatayang umaabot sa P1.5 bilyon kada buwan ang inilalabas noong panahong sinusuri.

Noong Marso 2025, humiling na rin ang komite ng fraud audit mula sa COA upang masuri ang naturang pondo.

Ayon kay Adiong, kinakailangan ang pagsusuri ng COA central office dahil sa laki ng pondong sangkot.

Ang House Resolution No. 2199 ay inihain nina Adiong, Deputy Speaker Yasser Alonto Balindong, Basilan Representative Mujiv Hataman, Sulu Representative Samier Tan, Maguindanao Representative Mohamad Paglas at KUSUG TAUSUG Party-list Representative Shernee Tan-Tambut.

Sa ngayon, hinihintay pa ang pinal na aksyon ng COA sa kahilingan para sa forensic examination.