Pinaiigting ng pambansang pamahalaan ang paghahanda para sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakatakda sa Setyembre 14, 2026.
Isinagawa ang isang command conference noong Abril 28 sa Camp Crame kung saan tinalakay ng mga pangunahing ahensya ang koordinasyon sa seguridad, legal at administratibong aspeto ng halalan.
Pinangunahan ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang pulong kasama ang mga kinatawan mula sa Commission on Elections, Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, National Intelligence Coordinating Agency at mga election monitors.
Dumalo rin sa pagpupulong si Comelec Chairman George Erwin M. Garcia kasama ang mga opisyal mula sa Office of the Special Assistant to the President at BARMM Ministry of Interior and Local Government bilang bahagi ng inter-agency coordination.
Binigyang-diin ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo ang kahalagahan ng kauna-unahang halalan sa BARMM at ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ituring itong prayoridad.
Ayon sa mga awtoridad, ipinatutupad ang isang “whole-of-government approach” upang matiyak ang maayos, ligtas at kapani-paniwalang halalan sa rehiyon.
Gayunman, may kinakaharap na mga legal at politikal na usapin ang proseso ng eleksyon kabilang ang petisyong inihain sa Comelec laban sa rehistrasyon ng United Bangsamoro Justice Party o UBJP.
Nakasaad sa petisyon ang umano’y paglabag sa election laws gaya ng paglabag sa gun ban at isyu ng foreign funding, na hinihiling na maging batayan upang hindi ito ma-accredit bilang regional parliamentary political party.
Iginiit naman ni UBJP President Al Haj Murad Ebrahim ang kahalagahan ng partisipasyon ng kanilang partido sa eleksyon batay sa papel nito sa pagkakatatag ng BARMM.
Samantala, may hiwalay ding mga petisyon na inihain sa Korte Suprema at Comelec kaugnay ng redistricting at party accreditation rules na maaaring makaapekto sa representasyon ng mga botante.
Nanawagan ang ilang petitioner sa Comelec na pabilisin ang resolusyon sa mga usaping ito at palakasin ang voter education upang maiwasan ang kalituhan bago ang filing ng certificates of candidacy.
Ang nakatakdang halalan ay magmamarka sa transisyon mula sa Bangsamoro Transition Authority patungo sa isang halal na 80-miyembrong parliament.
Itinuturing ang naturang eleksyon bilang mahalagang bahagi ng implementasyon ng 2014 peace agreement sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front.
















