‎Aabot sa 1,670 Bangsamoro college students ang makatatanggap ng tig-P80,000 financial assistance ngayong taon sa ilalim ng Access to Higher and Modern Education Scholarship Program o AHME-SP ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education o MBHTE.
‎
‎Gagamitin ang scholarship assistance para sa mga gastusing may kaugnayan sa kanilang pag-aaral bilang bahagi ng ikapitong cohort ng programa para sa Academic Year 2026-2027.
‎
‎Sa 698 scholars na nanumpa sa Cotabato City, 224 ang mula sa Maguindanao del Sur, 224 mula sa Maguindanao del Norte, 125 mula sa Special Geographic Area o SGA at 125 mula sa Cotabato City.
‎
‎Makakatanggap ang bawat scholar ng P40,000 kada semestre o kabuuang P80,000 para sa dalawang semestre.
‎
‎Kabilang sa mga benepisyaryo si Jawlah Lakman Kanapia, 19-anyos na Bachelor of Science in Nursing student ng Notre Dame Hospital Siena College of Cotabato.
‎
‎Ayon kay Kanapia, malaking tulong ang scholarship upang maipagpatuloy niya at ng iba pang benepisyaryo ang kanilang pag-aaral at maabot ang kanilang mga pangarap.
‎
‎Nagsimula ang AHME-SP noong 2020 at nakalaan para sa mga kwalipikadong Bangsamoro students na kabilang sa mga decommissioned combatants, kanilang mga anak, mga ulila o surviving spouses, bilang bahagi ng post-conflict rehabilitation and development efforts ng Bangsamoro government.
‎
‎Binigyang-diin naman ni Atty. Dayang Akirah Sansarona ng MBHTE ang pagiging inclusive ng scholarship program, kung saan dumaan umano sa parehong proseso ng pagsusuri at pagpili ang lahat ng aplikante.
‎
‎Hinimok naman ni Marjuni Maddi, MBHTE Director-General for Higher Education, ang mga scholars na seryosohin ang kanilang pag-aaral at magpatuloy sa kabila ng mga hamon sa kolehiyo.
‎
‎Sinabi ni Maddi na dapat alalahanin ng mga scholars ang dahilan kung bakit nila sinimulan ang kanilang pag-aaral at ang mga taong naniniwalang karapat-dapat paglaanan ng puhunan ang kanilang edukasyon.
‎