Dinala ng Office of the Special Assistant to the President ang healthcare at food assistance programs ng administrasyong Marcos sa Zamboanga Sibugay noong Lunes, Agosto 10, kabilang ang pagkakaloob ng pondo para sa tulong medikal at rice aid para sa mga benepisyaryo sa lalawigan.
Binisita ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo Jr. ang Dr. George T. Hofer Medical Center, kung saan inanunsiyo niya ang pagpapalabas ng P10 milyong pondo para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) upang suportahan ang zero-billing programng ospital.
Ang pagpopondo ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Malacañang na mapabuti ang access sa mga serbisyong pangkalusugan at maibsan ang pasaning pinansiyal ng mahihirap na pasyenteng nagpapagamot sa mga pampublikong ospital.
Ininspeksiyon din ni Lagdameo ang mga pangunahing pasilidad at nagpapatuloy na expansion projects sa Dr. George T. Hofer Medical Center upang suriin ang kakayahan ng ospital na magbigay ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.
Sa naturang pagbisita, inilunsad ni Lagdameo ang “Bawat Bayan Makikinabang” (BBM) Rice Distribution Program, kung saan ipinamahagi ang rice assistance na pinondohan sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF) sa mga benepisyaryo mula sa mga tinukoy na barangay sa lalawigan.
Nakipagpulong din siya sa mga opisyal ng lalawigan upang talakayin ang pagpapatupad ng mga priority program at initiative ng administrasyon sa Zamboanga Sibugay.
Ang healthcare at rice assistance initiatives ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng national government na palawakin ang access sa mahahalagang serbisyong pampubliko, palakasin ang suporta sa vulnerable communities, at ilapit ang tulong ng pamahalaan sa mga Pilipino sa buong bansa.

















