Arestado ang isang High-Value Individual (HVI) sa isinagawang search warrant operation ng pinagsanib na pwersa ng mga awtoridad sa Barangay Tacupan, Carmen, Cotabato madaling-araw ng Hunyo 23, 2026.

Ayon sa ulat, alas-1:30 ng madaling-araw nang ipatupad ng mga operatiba ng Carmen Municipal Police Station, katuwang ang 2nd Cotabato Provincial Mobile Force Company (CPMFC), Provincial Drug Enforcement Unit ng Cotabato Provincial Police Office (PDEU-CPPO), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 12, ang search warrant laban sa suspek dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa isinagawang operasyon, naaresto ang target na indibidwal at nakumpiska ang apat na sachet ng pinaghihinalaang shabu na may kabuuang timbang na tinatayang 0.5 gramo at may Standard Drug Price (SDP) na P3,500. Narekober din ng mga operatiba ang isang kalibre .38 revolver na walang serial number, tatlong piraso ng live ammunition, at isang itim at kulay rosas na sling bag.

Agad na minarkahan, kinuhanan ng larawan, idinokumento, at isinailalim sa inventory ang lahat ng nakumpiskang ebidensya alinsunod sa umiiral na mga patakaran at proseso ng batas.

Matapos ang operasyon, dinala ang suspek at mga nakuhang ebidensya sa Carmen Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng mga kaso kaugnay ng paglabag sa R.A. No. 9165 at R.A. No. 10591.

Ayon sa mga awtoridad, patunay ang matagumpay na operasyon ng patuloy na kampanya ng mga law enforcement agencies laban sa ilegal na droga, mga loose firearms, at iba pang kriminal na aktibidad na nagbabanta sa kapayapaan at seguridad ng komunidad.

Patuloy namang pinaiigting ng kapulisan at ng kanilang mga katuwang na ahensya ang mga operasyon upang mapanatili ang kaayusan at maprotektahan ang publiko laban sa mga gawaing labag sa batas.