Nasabat ng Western Mindanao Naval Command ang dalawang bangkang pandagat na hinihinalang sangkot sa pagpupuslit ng iba’t ibang produkto mula Malaysia patungong Mindanao, sa magkahiwalay na operasyon ng Philippine Navy sa katimugang bahagi ng bansa.

Batay sa Navy, umabot sa tinatayang ₱56 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang kontrabando, gaya ng bigas, instant noodles, at mga kahon-kahon na sigarilyo na walang kaukulang papeles.

Ayon sa paunang impormasyon, unang naharang ang MV FIYYAH na mula umano sa Sandakan, Malaysia at patungo sa Bongao, Tawi-Tawi. Dito naaresto ang 13 tripulante matapos kapkapan at masamsam ang dala nitong kargamento.

Samantala, natunton naman ang M/B Nurshaima sa karagatan ng Dipolod Island, Tongkil, Sulu, lulan ang daan-daang kahon ng smuggled cigarettes. Agad itong pinigil ng mga tauhan ng Navy at isinailalim sa inspeksyon.

Naganap ang mga interdiction operation noong Nobyembre 28 hanggang 29, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa smuggling sa kanlurang bahagi ng Mindanao, na matagal nang ginagamit na ruta ng ilegal na kalakalan mula sa karatig-bansa.

Iniimbestigahan na ngayon kung konektado ang dalawang insidente at kung may mas malawak pang network sa likod ng operasyon.