Nagpakita ng malasakit ang mga police trainee ng Police Station 3 sa Cotabato City matapos nilang alagaan ang isang sanggol habang may inaasikasong mahalagang sitwasyon ang ina nito sa loob ng himpilan ng pulisya.
Naganap ang makataong pagtulong dakong alas-2:30 ng hapon kahapon, Agosto 6, sa Police Station 3 sa Barangay Mother Tamontaka, Cotabato City.
Ayon sa ulat, bumisita ang isang ina sa kanyang asawa na kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya bilang Person Under Police Custody o PUPC.
Habang nasa presinto, kinailangan nitong asikasuhin ang isang agarang sitwasyon kaya boluntaryong inalagaan ng mga police trainee ng PSFTP Class 2025-01 Buklod-Sinag ang kanyang sanggol.
Tiniyak ng mga trainee ang kaligtasan at maayos na kalagayan ng bata habang abala ang ina sa kanyang inaasikaso.
Ipinakita ng naturang hakbang ang malasakit at makataong paglilingkod ng mga tauhan ng Police Station 3, kasabay ng kanilang patuloy na pagsasabuhay ng serbisyong may paggalang, pagmamalasakit, at tunay na malasakit sa mamamayan.

















