Ipinanukala ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ng Ilocos Norte ang agarang pag-abolish sa travel tax, na ayon sa kanya ay nagiging pabigat na sa mga Pilipinong biyahero at hadlang sa muling pagbangon ng ekonomiya.
Inihain ni Marcos ang House Bill No. 7443, na naglalayong tuluyang pawalang-bisa ang travel tax na ipinatutupad sa ilalim ng Presidential Decree No. 1183 at ng Tourism Act of 2009.
Ayon sa House Majority Leader, ang travel tax na umaabot sa P2,700 para sa first class at P1,620 para sa economy class ay dagdag-gastos na pumipigil sa paggalaw ng mga Pilipino, maging ito man ay para sa trabaho, pagbisita sa pamilya, o iba pang oportunidad.
Aniya, ang pagtanggal sa travel tax ay makatutulong hindi lamang sa mga mamamayan kundi pati na rin sa pagpapasigla ng turismo at ekonomiya sa bansa.

















