Nanawagan si BARMM Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua sa publiko na bantayan at pangalagaan ang Moral Governance laban sa anumang uri ng katiwalian at anomalya.
Ayon kay Macacua, mahalagang ipagpatuloy ang nasimulang tagumpay ng pamahalaang Bangsamoro sa ilalim ng pamumuno ni dating ICM Al-Hajj Murad Ebrahim. Giit niya, hindi dapat pahintulutang masira ito dahil sa kapabayaan o maling pamamalakad sa alinmang bahagi ng gobyerno.
Ang panawagan ay kasunod ng kanyang hakbang na isapubliko ang personal contact details upang direktang matanggap ang mga sumbong mula sa mamamayan. Aniya, ayaw na ayaw niyang may ahensya o ministeryong pumapalya sa pagbibigay ng tamang serbisyo sa ilalim ng BARMM.
Ipinahayag ni Macacua ang pagkabahala sa posibilidad na masira ang tiwala ng taumbayan lalo na’t papalapit na ang halalan—na maaaring gamitin ng ilang indibidwal upang baluktutin ang prinsipyo ng Moral Governance.
Bilang huling pahayag, binigyang-diin ng opisyal na handa siyang humiling ng courtesy resignation mula sa lahat ng opisyales ng BARMM kung ito ang kinakailangan para mapanatili at maprotektahan ang integridad ng pamahalaan.