Kasabay ng BARMM Leadership Turnover Ceremony kahapon, ipinagdiwang rin ng Bangsamoro Government ang ika-11 anibersaryo ng paglagda sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Matatandaang noong Marso 27, 2014, pormal na nilagdaan ang CAB sa pagitan ng Government of the Philippines (GPH) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Malacañang Palace.
Ang CAB ang naging pinal na kasunduang pangkapayapaan matapos ang halos 17 taong negosasyon, na siyang nagbigay-daan sa pagsusulong ng Bangsamoro Basic Law (BBL). Kalaunan, ito ay naging Bangsamoro Organic Law (BOL), na nagbigay-daan naman sa pagkakatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa patuloy na pagsulong ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon, ang anibersaryong ito ay isang paalala sa matagal na pakikibaka tungo sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa Bangsamoro.