Muling naghain ng kandidatura si Atty. Allanudin Sulaik Hassan para sa pagiging District Representative ng ikalawang distrito ng Special Geographic Area o SGA-BARMM sa nalalapit na 2026 parliamentary elections.

Pinanatili ni Hassan ang kanyang pagiging independent candidate, matapos din itong tumakbo bilang independiyente noong nakaraang taon.

Sa kabila nito, sinabi ni Hassan na buo ang kanyang suporta sa United Bangsamoro Justice Party, ang political arm ng Moro Islamic Liberation Front.

Makakaharap ni Hassan sa District 2 race sina Dulia Sultan ng Bangsamoro Federalist Party o BFP, Elaysa Latiban ng UBJP, at si Kadil Sinolinding na isa ring independent candidate.

Nauna nang naging kontrobersyal ang pangalan ni Hassan matapos siyang batikusin ni MP Atty. Kitem Kadatuan dahil sa kanyang naging pahayag na “weak-willed” o mahina umano ang loob ng mga commander na umalis sa UBJP.

Ayon kay Hassan, kabilang sa kanyang isusulong sakaling mahalal ang pagpapatuloy ng kapayapaan sa Bangsamoro, pagpapalakas ng pamahalaan, at pagtutulak sa implementasyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB.

Dagdag pa nito, nais din niyang palawakin ang educational at economic support programs para sa mga Mujahideen at kanilang mga pamilya.