Nagsampa ng resolusyon ang mga mambabatas ng BARMM upang maimbestigahan ng kumite ng Lokal na Pamahalaan ng Bangsamoro Parliament in aid of legislation ang diumanoy maramihang pagsibak ng mga contract of service employees ng Cotabato City LGU kahapon araw ng Huwebes, Oktubre 17.

Isa si Minister of Parliament Atty. Suharto Ambolodto sa apat na miyembro ng parliamento na nagsampa ng resolusyon bilang 646 sa kapulungan kasunod ng anunsyo ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao na matatanggal na sa kanilang mga trabaho ang may 3,000 na bilang ng Contract of Service Employees simula kahapon, Oktubre 17.

Sinisisi ni Matabalao sa kawalang aksyon ng Sangguniang Panglungsod sa kahilingan ng kanyang opisina na bigyan ng additional budget ang pasahod ng mga ito.

Pinasinungalingan naman ni Vice Mayor Johari Abu ang naturang pahayag at sinabi nito na nilaanan na nito sa budget para sa taong 2024 ang mga pasahod para rito.

Ayon kay MP Atty. Ambolodto, ang hakbangin ay upang malinawan ang publiko kasunod ng wala sa panahon o untimely na pagkakatanggal ng 3,000 na bilang ng Contract of Service employees na kasabay pa sa ikaapat na quarter ng taunang piskal na naglalagay sa pamilya ng mga manggagawa sa indulto.

Dagdag pa ni Ambolodto, dapat lamang na maintindihan at maunawaan ng publiko ang ugat at dahilan ng naturang pagkakatanggal ng mga trabahante sa siyudad at upang makagawa ng mga hakbangin upang maging manageable ang human resources at sitwasyong pinansyal ng mga empleyadong untenured o di permanente na humaharap sa ganitong indulto.