Umiinit ang kontrobersiya matapos mabansagan si Ivana Alawi bilang diumano’y kabit sa reklamo ng Violence Against Women and Children (VAWC) na inihain ni Dominique “Nikki” Lopez-Benitez, dating asawa ni Bacolod City Mayor Albee Benitez, sa Makati City.
Batay sa kumakalat na dokumento sa social media, iniuugnay si Benitez sa aktres, bukod pa sa alegasyong may iba pa siyang anak sa labas. Mariing itinanggi ito ng kampo ng alkalde, at sinabing ito ay walang basehan at paninira.
Binatikos din ng abogado ni Benitez ang diumano’y pagsasangkot kay Ivana Alawi sa kaso, na tinawag nilang “unnecessarily dragging” upang ilihis ang isyu.
Aniya, nilabag din ng kabilang panig ang Section 44 ng VAWC Law sa pagsasapubliko ng reklamo.
Bagamat nananatiling tahimik si Alawi, tiniyak ng kampo ni Mayor Benitez na sila ay makikipagtulungan sa legal na proseso upang mapasinungalingan ang mga paratang gamit ang mga ebidensiya.