Nakapaghalal na ng bagong pamunuan ang Philippine Councilors League o PCL Cotabato City Chapter para sa tatlong taong termino, kahapon, Agosto 18 sa session hall ng People’s Palace sa Cotabato City.

Pinangunahan ni PCL National Secretary General at Caloocan City Councilor Engr. Carolyn Cunanan ang naturang eleksyon, kung saan nahalal bilang bagong pangulo si Konsehal Guaidzuri “Elyboy” Midtimbang. Samantala, si Konsehal Anwar Malang naman ang napiling bise presidente ng liga.

Sa panayam kay Midtimbang, sinabi nito na pangunahing layunin niya bilang pangulo ng PCL na maibalik ang serbisyo sa bawat barangay sa lungsod.

Dagdag pa niya, ipagpapatuloy niya ang mga programang nasimulan ng liga at magdadagdag ng panibagong mga inisyatiba para matiyak na mararamdaman ng mga mamamayan ang tunay na serbisyo ng kanilang mga halal na opisyal.