Nanawagan sa Korte Supremas ang isang grupo na desisyunan na ang nakabinbing petisyon nito hinggil sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), matapos umanong muling mabigo ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) na sumunod sa mga iniutos na pagsusumite ng korte.

Nagsagawa ng “rally” ang AMANA-BARMM sa Korte Suprema sa Manila upang igiit na aksyunan ang kanilang petisyon na naglalayong ipawalang-bisa ang dalawang batas na mahalaga para sa pagdaraos ng parliamentary elections sa BARMM sa darating na Setyembre 14.

Ayon sa mga petitioner na sina Sultan Alim Saad Amate at Maulana Mamutuk, ang petisyon ay tungkol sa “respect for the Court, the rule of law, and the credibility of the September 2026 BARMM parliamentary election.”

Binigyang-diin ni Amate na kung ang isang respondent ay tumanggi o nabigo na sumagot, “there must be a consequence,” at idinagdag pa nya na, “We respectfully plead with the Supreme Court: treat the BTA as in default, resolve the petition, and protect the Bangsamoro vote.”

Samantala, iginiit ni Mamutuk na hindi matutuloy ang eleksyon sa BARMM kung ang batayang districting, maps, population records, at representation ay “still unclear,” at sinabing, “If the district is wrong, the vote is wrong. If the vote is wrong, the Parliament is wrong.

Ang petisyon, na inihain noong Mayo 22, ay humihingi ng temporary restraining order laban sa ilang probisyon ng Bangsamoro Autonomy Act (BAA).

Kabilang sa mga kinuwestiyon ay ang Section 4 ng BAA 86, na sinasabing hindi patas ang paghahati ng distrito, gaya ng pagbibigay ng dalawang parliamentary districts sa Special Geographical Areas na may mas maliit na populasyon kumpara sa Marawi City.